Paano nga ba ang proseso ng pagboto sa 2010 Elections?

Monday, December 21, 2009

Magiging una sa kasaysayan ng Pilipinas na magkaroon ng isang automated na halalan ang magaganap sa May 10, 2010. Ang napakalaking tanong ngayon ay kung papaano na ang paraan ng pagboto sa makabagong sistemang ito?

Dapat nga namang malaman ang sagot sa tanong na ito dahil isa sa pinakamalaking pagbabago ay ang pamamaraan ng pagboto. Maiiba na rin ang paraan ng pagbibilang ng mga boto. Dito ay ipapaliwanag ko ang mgaprosesong ito nang naayon sa mga panuntunang binalangkas ng Commission on Elections o COMELEC sa pamamagitan ng kanilang mga ipinakitang demo kasama ang Smartmatic TIM, ang kompanyang nakakuha ng kontrata upang gumawa ng mga makinang gagamitan sa araw ng halalan.

Ang partikular na makinang tinutukoy dito ay ang tinatawag na PCOS o ang Precint Count Optical Scan. Bawat isang presinto ay magkakaroon ng isang PCOS sa araw ng halalan. Narito ang larawan nito.


Nariyan pa rin sa presinto ang Board of Election Inspectors (BEI's) na binubuo ng Chairman, Poll Clerk, at Third Member, mga kinatawan ng election watchdogs na accredited ng COMELEC gaya ng NAMFREL at PPCRV, mga poll watchers ng mga kandidato at partido, at ang mga secrecy folders.

Ang PCOS ay mayroong electronic key (username at password) na tanging ang Chairman lamang ang nakakaalam.

Kagaya ng dati, pagdating ng isang botante sa polling center o lugar ng botohan, kailangang hanapin niya ang kanyang pangalan sa opisyal na listahan ng mga botante na nakapaskil sa mga pintuan ng mga polling precints. Kung saan niya nakita ang kanyang pangalan ay doon siya sa presintong iyon boboto.

Para mapadali ang paghanap ng kanyang records, kailangang tandaan niya ang numerong katabi ng kanyang pangalan at sasabihin niya ito sa BEI's pagpasok niya sa loob ng presinto. Kailangang i-verify ng BEI's ang pagkakakilanlan ng botante sa pamamagitan ng pagsangguni sa kanyang Registration Records. Maaaring hilingin ng BEI's na magpakita ng anumang valid ID ang isang botante para matiyak na ang pangalang nasa listahan ay ang mismong taong umaangkin nito.

Pagkatapos nito at bibigyan ang botante ng isang espesyal na balota at marker. Ang balota ay may numero na maaari lamang ibigay at gamitin ng isang partikular na botante.

Ang balota ay higit na mahaba at malapad kaysa sa mga balota noong nakaraang halalan. Ito ay kasinglapad ng isang regular na bond paper pero mas mahaba kaysa long-sized bond paper. Ito rin ay gawa sa matigas na papel na mayroong security features para hindi mapeke o madaya.

Matapos makuha ang balota at marker ay pupunta ang botante sa isang upuan na may ballot secrecy folder. Dito niya isasagawa ang aktwal na pagboto. Wala na ang hiwalay na listahan ng mga kandidato dahil nasa balota na mismo ang lahat ng mga pangalan ng mga kandidato mula sa pangulo hanggang sa lokal na konsehal.

Upang mabilang ang kanyang boto para sa isang kandidato, kailangan nyang markahan o i-shade ang oval na katabi ng pangalan ng kandidato gamit ang marker. Hindi na kailangang isulat ang pangalan ng kandidatong nais nyang iboto.

Sa pag-shade ay kinakailangang punuin ang oval para mabilang ang boto. Hindi maaring gamitin ang tsek (/), ekis (X), tuldok (.), o guhit (-)(|) sa pagmamarka ng oval sa balota. Hindi ito mababasa ng PCOS at hindi mabibilang ang boto.

Dapat din na tandaan na iisang balota lamang bawat botante ang nasa loob ng presinto. Sapat lamang ang bilang ng mga balota sa bilang ng mga rehistradong botatante sa isang presinto. Dahil dito, kailangang tiyakin ng botante na tama ang kanyang pagmarka para hindi masayang ang kanyang boto.

Isa pang dapat tandaan ay ang tinatawag na "overvote." Nagkakaroon ng "overvote" kung sobra sa hinihinging boto ang ginawa ng isang botante para sa isang posisyon.

Halimbawa: Isang pangalan lamang ang maaaring iboto sa pagkapangulo. Kapag higit sa isang pangalan ang minarkahan ng isang botante, ito ay "overvote" ang hindi mabibilang ang boto para sa naturang posisyon. Pero kung tama ang bilang ng kanyang boto sa mga senador, kongresista, gobernador, at iba pa, mabibilang pa rin ang mga ito. Ang ibig sabihin, ang pagkakamali sa pagboto sa isa o ilang posisyon ay hindi nangangahulugang pagkaimbalido ng buong balota. Ang mga tamang boto ay mabibilang pa rin.

Narito ang bilang ng mga botong hinihingi sa bawat posisyon:

  • Pangulo (President): isa (1)
  • Pangalawang Pangulo (Vice President): isa (1)
  • Mga Senador (Senators): labindalawa (12)
  • Kongresista (District Congressman): isa (1)
  • Gobernador (Provincial Governor): isa (1)
  • Bise-Gobernador (Vice Governor): isa (1)
  • Kinatawan sa Sangguniang Panlalawigan (Provincial Board Members): dalawa hanggang pito (2-7), bawat distrito depende kung saan nakarehistro ang botante
  • Alkalde (City or Municipal Mayor): isa (1)
  • Bise-alkalde (Vice Mayor): isa (1)
  • Mga Konsehal (City or Municipal Councilors): dalawa hanggang labindalawa (2-12), depende sa klasipikasyon ng isang bayan o lungsod
  • Party-list Representative: isa (1)

Sa mga posisyon kung saan maaaring higit sa isa ang iboto (Senador, Board Member, Councilor), maaaring mag-"undervote" ang isang botante. Ang "undervote" naman ay pagkakataong kulang sa hinihinging boto ang minarkahan ng botante. Halimbawa: Imbes na labindalawa (12), lima (5) lamang na kandidato sa pagka-senador ang nais niyang iboto, bibilangin pa rin ang kanyang mga boto pabor sa kandidatong kanyang minarkahan.

Pakatapos bumoto, dadalhin ng botante ang balota sa makina kung saan siya mismo ang magsusubo nito para ipasok sa loob ng makina. Isusubo niya ito ng pahaba. Maaaring ipasok ang balota kahit alin sa dalawang dulo ang mauna, nakataob o nakatihaya man ito. Kailangan lamang na maipasok ang dulong bahagi ng balota at hihigupin na ito ng makina.

Makikita sa loob kung naipasok na ang balota dahil transluscent ang chest ng makina. May indikasyon din sa maliit na screen sa bandang kanan kung naging matagumpay ang pagboto. Makikita rin sa makina kung ilan nang balota ang nabilang sa loob.

Bago lumabas ang botante, babalik siya sa BEI's para lumagda sa kanyang record at papatakan ng indelible ink ang kanyang kuko sa kanang hintuturo.

Pagkatapos ng itinalagang oras ng pagboboto para sa lahat ng mga botante, isasara na ang botohan. Gamit ang electronic key, mag-iiprenta na ng resulta ng botohan ang makina. Dito makikita ang bilang ng mga botong ng bawat kandidato. Ang bilang ng mga botong ito ay iyon lamang na nanggaling sa mga botante ng partikular n presitong iyon.

Bibigyan ng kopya ng resulta ang mga kintawan ng mga accredited na election watchdogs at mga partido. Ang resulta sa presinto ay kailangang maipadala ng charmain sa municipal board of canvassers. Ang pagpapadala nito ay sa pamamagitan ng satellite. Dahil dito, ilang oras lamang matapos ang botohan ay maari nang malaman kung sinu-sino ang mga nanalo sa isang bayan o lungsod.

Ang resulta naman mula sa mga munisipyo o lungsod ay ipapadadala sa provincial board of canvassers para malaman ang resulta ng botohan para sa buong lalawigan. Ang resulta sa lalawigan ang syang ipapadala naman sa national board of canvassers kung saan malalaman kung sino ang mananalo sa mga national na posisyon.

Dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na magaganap ang ganitong uri ng botohan at bilangan, asahan na natin ang ilang mga aberya ng sistema at kalituhan sa proseso. Pero hangga't napapanatili ang kasagraduhan ng bawat balota, ang proseso ng automation ay dapat na suportahan ng bawat Pilipinong naglalayong maging malinis ang halalan sa bansa.

0 comments:

  © Blogger template Writer's Blog by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP