Sipon - Paano ba ito Gagamutin?

Friday, December 25, 2009

Ngayong malamig ang panahon, usong uso na naman ang sipon at ubo. Paano ba ito magagamot?

Ang sagot: Walang gamot sa ubo.

Kusang itong nawawala sa katawan kapag malakas ang ating immune system. Ang tanging magagawa natin ay tulungan ang ating katawang maging malakas ang immune system.

Narito ang mga bagay na dapat tandaan ng isang taong may sipon.

1. Magpahinga. Kadalasan, ang taong may sipon ay madaling hingalin at bumibilis ang tibok ng puso. Ito ay natural na reaksyon ng katawan na nagpapahiwatig na kailangan ng mayos na pahinga. At ang pinakamainam na pahinga ay ang pagtulog.

Sa pamamagitan ng pagpapahinga, nailalaan ng ating katawan ang enerhiya sa paglaban sa sakit at hindi sa ibang gawain. Dahil dito, napapabilis ang paggaling ng katawan.

Kapag naramdaman nang sisipon ka, ipahinga na ang sarili sa loob ng isang araw. Habaan ang araw ng pagtulog at iwasang isipin ang trabaho. Mas mainam nang lumiban sa trabaho o eskwela sa loob ng isang araw kaysa lumiban sa loob ng isang linggo o mahigit pa kapag lumala ang sipon.

2. Uminom ng mas maraming tubig. Ang taong may sipon ay madali ring mauhaw. Huwag itong tiisin. Uminom ng hindi bababa sa sampung baso sa isang araw. Iwasan muna ang mga inuming matamis lalo na ang may caffeine kagaya ng softdrinks, kape, at energy drinks. Iwasan din muna ang gatas. Nasa baba ang dahilan kung bakit.

Mas mainam din na uminom ng puro at sariwang katas ng prutas gaya ng dalandan.

3. Kumain ng masustansyang pagkain. Ang taong may sipon ay kadalasang walang ganang kumain. Natural din itong reaksyon ng katawan upang mailaan ang enerhiya sa paglaban sa sakit at hindi sa pagtunaw ng pagkain. Kung hindi lang naman masustansya ang pagkain, mas mainam pang iwasan munang kumain at uminom na lamang ng tubig.

Para matulungan ang katawang labanan ang sipon, kailangan ng ating katawan ng masustansya at madaling matunaw na pagkain. Ito ay matatagpuan sa mga prutas na sagana sa katas at mga berdeng gulay. Mas sariwa mas mainam.

Mas mainam din na i-steam lamang ang gulay para mapanatili ang sustansya nito.

Iwasan ang mga pagkaing nagmumula sa hayop gaya ng karne, itlog, gatas, at keso. Bukod kasi sa mahirap itong tunawin, hindi rin mainam sa taong may sipon ang pagkaing mayaman sa protina. Kasi, ang sipon o mucus ay isang uri ng protina. Kung kakain pa ng pagkaing mayaman sa protina, maaaring lumala pa ang sipon at dumami ang mucus sa katawan na inilalabas bilang plema.

4. Mag-ingat sa pag-inom ng gamot. Hindi lahat ng gamot sa sipon ay totoong nakagagamot. Ang iba ay pinapakalma lamang ang ating katawan para hindi nating maramdaman ang mga sintomas ng sipon.

Isang gamot na dapat pag-ingatan ay ang antibiotics. Hindi lahat ng may sipon at ubo ay nangangailangan ng antibiotics. Ang antibiotics kasi ay para sa bacteria. Samantalang ang kadalasang sanhi ng sipon ay virus at allergy.

Kailangang sumangguni muna sa doktor bago gumamit ng antibiotics. Nirereseta lamang ito ng doktor kapag mayroong impeksyon ng bacteria ang taong may sipon.

5. Iwasan ang stress at ugaliing maging masayahin. Laughter is the best medecine, ika nga. Kapag masaya ang isang tao, tinutulungan niya ang kanyang immune system na maging matatag.

6. Gumamit ng halamang-gamot. Para sa akin, ang natural na mga gamot ang pangunahing lunas sa mga sakit. Ang mga synthetic naman ay pang-emergency o dagliang lunas.

Kapag may sipon, isa sa paborito ko ay ang aking ginagawang tsaa. Sa pag-inom ko nito, nararamdaman ko agad ang ginhawa kung nababara ang aking ilong at umuubo pa.

Para makagawa ng tinutukoy kong tsaa, kakailanganin ang sumusunod:

  • Isang baso ng inuming tubig
  • Isang hiwa ng luya na isang pulagada ang haba
  • Dalawang butil ng bawang
  • Dalawang kalamansi
At narito naman ang mga pamamaraan ng paghanda:
  1. Pakuluin ang tubig sa kawali o kaldero.
  2. Habang nagpapakulo, talupan ang luya, hiwain ng malilit at durugin. Ganun din ang gawin sa bawang pero huwag ihahalo ang dalawang sangkap.
  3. Hiwain at pigain ang kalamansi at ipunin ang katas sa isang tasa. Maaring tanggalin ang mga buto.
  4. Kapag kumulo na ang tubig, hinaan ang apoy hanggang sa mawala ang bula sa tubig at ilagay ang luya. Huwag itong tatakpan.
  5. Pakalipas ng sampung minuto, saka ilagay ang bawang.
  6. Pakalipas ng limang minuto patayin ang apoy. Handa na ang iyong tsaa. Salain ito at isalin sa tasa kasama ng kalamansi.
  7. Hayaan munang lumamig ng bahagya bago inumin.
Pinakamainam pa rin na umiwas sa mga gawaing magdudulot ng sipon gaya ng sobrang pagkain ng matatamis ay 'di masustansyang pagkain, palagiang pagpupuyat, at stress.

0 comments:

  © Blogger template Writer's Blog by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP